tuwing alas kuwatro ng umaga nagsisimula ang buhay ko.
iyung buhay na totoo.
kung saan walang nakikialam sa iyo.
sa mga oras na ito ako nabubuhayan ng dugo.
panahon na kasi para muli kong bisitahin ang nawawala kong sarili.
ninanamnam ko ang bawat minuto, ang bawat saglit, ang bawat segundo.
hindi ko nararamdaman ang pagpupumiglas ng mga masasamang elementong nakapaligid.
hindi ko napapansin ang ingay ng mga taong umaaligid.
sa oras na ito, ramdam ko ang kapayapaang bumabalot sa aking katawan… sa aking isipan.
hindi ko na kailangan pang maglagay ng maskara.
o magsuot ng kapoteng kukubli sa akin mula sa ulan.
dahil ang oras na ito ay oras ko.
oras ng mga pangarap.
mga saglit ng panaginip.
naririnig ko ang kanilang awit.
lumulutang ako sa langit.
kahit pa duguan na akong paslit.
hindi ko sasayangin ang oras na muli kong maramdaman
ang haplos ng katahimikan sa aking dibdib.
gusto ko nang masadlak sa oras na ito.
sana’y mawalan ng enerhiya ang baterya ng relo.
o di kaya’y tumigil sa pag-ikot ang mundo
para hindi na ako makaalis
sa oras na alas kuwatro.
dahil tanging sa oras na ito…
ramdam kong buhay ako.
humihinga.
kahit pa humahapo.
Filed under: Uncategorized